Killjoy: Battalia Royale version2 (Live-action Game in Cubao)

Hasel: Pagbili ng tiket

Hindi ko man alam ang teknalidad sa tawag–ano bang mas angkop, teatro o dula?–alam ko lang na ang ganitong uri ng pagtatanghal, lalo na sa panahon ngayon, ay nakadepende sa komunidad na kinabibilangan at nililikha niya. Para sa hindi sinikal na pananaw, ang tinutukoy kong nlilikhang komunidad ay ang fanbase. Pero ang tinutukoy kong kinabibilangan komunidad ay ang “pre-existing” na komunidad ng ganitong panahon, na for the lack of better terms: mga intelektwal, hipster, burgis, at ang pinaka-importante, may pera (kung hindi pa obyus na kapag burgis ka e may pera ka). E sa mas magastos talaga manood ng dula e. Sa totoo lang, mura na nga ang Battalia Royale version2 at 350 Pesoses. Oo, mura na yan.

Pero kahit na “mura” pa yan, o napakarami at mapusok na ang mga burgis o fanbase mo, hindi ito rason para magpakariwa ka sa pag-aasikaso ng bumibili ng tiket. Nakadepende ang enduring survival mo sa komunidad; bawat taong naaakit manood ng iyong itatanghal ay irreplaceable.

Obviously part two, hindi maayos ang karanasan namin ng kaibigan ko sa pagbili ng tiket. Siguro, OC kami… siguro. Pero mas confirmed na kuripot kami. Mahirap hindi mag-alala kapag hindi ka binigyan ng confirmation message ng grupo na binayaran mo ng reserved tiket na sinabing maghintay ka ng confirmation message. 350 Pesoses yun e. Times 3! Aba, nakapag-out of town na kami sa perang yun.

E nadepost na namin yung pera. Wala daw refund. Naka-all caps pa sa FB nila. Tapos naka-all caps din na ipamimigay nila yung ibang mga reservations kapag insert whatever reason here. Tapos tinext ko yung number na sinabing kokontakin kung walang mareceive na confirmation message. Tapos hindi nagreply. Tapos tinawagan ko na. Operator lang ang sumagot sa’kin! Tapos nag-PM pa sa FB nila. Nag-iwan ng comment sa note nila. Walang reply! May reply sa iba, kung maka-promote ng mga links, todo-todo ang kanilang FB. Pero di ka rereplyan. Kahit man lang don’t worry reply. Alam mo yung pakiramdam ng hindi mo alam kung break ba kayo o hindi ng karelasyon mo? Ganoon. Masarap mangdyombag pero hindi mo alam kung sino uupakan. Kasi pakiramdam mo, confused lang naman karelasyon mo. Maraming inaasikaso sa buhay. Umaasa kang sasabihin niyang hindi pa kayo break pero mas gusto mo na lang ding hindi makita pagmumukha niya kasi ang hasel lang niya.

Tapos nalaman mong di mo naman kailangang magpa-reserb in the first place. May mga pick-up points ng pagbebenta ng tiket na nagbabalewala sa pagteteks sa grupo sa mga naunang araw para magpa-reserve. At kung itutuloy ko pa ang ibang detalye kung bakit ang labo labo labo labo labo lang talaga, wala ng lugar para isang pagkwekwento ng BR. Basta ang ending, natauhan akong tumawag sa ibang number, yung number na nagsabing reserved daw kami. Sinabi niyang nag-email daw sila ng confirmation message–na halughugin man ng kaibigan ko sa spam folder ay nada. Dala ng sobrang irita, naglaho lahat ng excitement at ganang pumunta. At kung hindi lang kami nakapagbayad na, hindi nga namin talaga pinuntahan.

Pauso pa kasi ng confirmation message. Pasunod-sunod pa kasi kami sa rules. Hindi kasi marunong mag-reply yung nagha-handle ng FB nila, kahit man lang pa-cute reply lang, tipong i-acknowledge ang existence namin kind of reply lang.

Mga Tala:

1. Malamang marami lang talagang ginagawa ang mga marketer (?) pero kung todo kang makapromote (at me chorvalyng diskurso pang nalalaman!) gamit ang social media at Internet, hindi naman siguro estranged concept ang online etiquette. Hindi lang mga kaibigan o fanatic ang dapat nirereplyan ng social media mo. Pati mga concerns, i-acknowledge mo ang existence. Unless hindi malinaw ang koneksyon ng humahawak ng social media at mga humahawak sa pagbenta ng ticket… which is a no-no. Marketing and sales team yan dapat di ba?

2. Nang nakapila na ako para kunin ang tiket namin, narinig kong sinabihan ng isang nagbebenta ang isang nakasimangot na bumibili ng “Sorry for the inconvenience.” So, ina-assume ko na hindi lang kami ang hinasel. Hindi ko man alam kung anong uri ng hasel ang naranasan nila. O kung kaming dalawang grupo lang ang na-hasel. Basta, hindi siya isolated incident. Haha.

 

Manlalaro: Ang laban para sa matinong view

Ang Battalia Royale version2 ay isang adaptasyon ng Battle Royale ng mga Hapon, isang kwento tungkol sa mga hayskul student na itinapon sa isla para magpatayan. Overpopulated na raw kasi ang bansa at nagiging suwail na ang mga bata. May isinuot na collar sa mga bata na sasabog kapag susubukan nilang tumakas. Iisa lang ang pwedeng matira ng buhay.  Kapag higit sa isa ang nanatiling buhay sa loob ng itinakdang oras, sasabog din ang mga collar.

Ganito rin ang premise ng BR. Ang mga mahahalagang pinagkaiba ng BR sa bersyon ng Hapon ay: isang inabandong high school building ang tagpuan, random abduction ang naganap–isang klaseng akala ay magfi-field trip sa bundok, hindi malinaw ang pagkasangot ng gobyerno o kung sinuman ang may pakana nito–maaaring pagpustahan ng manonood kung sino ang mananalo at sa isang punto sa dula, kung hahayaan bang mabuhay o mamatay ang isang bata.

Maaari tayong mag-pokus sa mga implikasyon ng kwento, ng mga isyu na dala-dala ng tema na “kill or be killed” sa mga high school students, sa mga bata. Gasgas na nga lang ‘yon. Pasensya na kung mayabang (pero sabi nga ni Spike sa Buffy, who am I kidding? I love to brag!). Nakakatamad lang mag-highlight ng mga isyu na alam kong ilang beses na ina-outline ng mas akademiko o mas blogger pa sa’kin. Tipong kapag nakabasa ako ng isang peminista para sa mga peminista na article na sinisiwalat na hindi dapat sisihin ang biktima, gusto kong sabihing, wow, epiphany! Dude-pare-tol, sino pang peministang di nakakaalam niyan?

Kaya naman, ang maganda sa isang adaptasyon–at sa sobrang kakaibang adaptasyon–maaari natin pagtuunan ang “bago,” ang mga aspektong nagbibigay buhay sa bagong karanasan, at kung gayon, bagong dinamiko sa kwento, sa temang “kill or be killed.”

Sisimulan ko sa pagka-Pilipino nito. Ang pagsasalin mula sa isang kwentong Hapon patungo sa isang kwentong Pilipino ay krusyal sa pagiging matagumpay ng BR. Subalit sisimulan ko rin sa tribyal na puna: ang minsang off na gamit ng Filipino sa dula. Okey, alam ko namang conyo ang mga etsudyante ng dula kaya keber lang naman kung jumijingglish sila. Pero narinig ko nang magsalita ang ilang mga conyong estudyante noong nagtuturo pa ako. Narinig ko na rin sila mag-away. Narinig ko na rin silang magbigay ng passionate speech, mapa-pro o anti-government man. Mapa-pro o anti-violence man. Mas mabigat pa rin ang Filipino sa English, lalo na kapag riled up sila. Kaya man nilang mag-fluent English, Filipino pa rin ang mabigat na magagamit. Kaya bawat over-English ng mga tauhan, nawiwirdohan talaga ako… parang naguguluhan ako kung sino ba talaga ang mga pinapanood ko, na hindi ba dapat kapani-paniwala silang mga tauhan? Pero malay ko ba, baka mayroon lang mga super conyo sa labas ng paaralang tinuruan ko, mga super conyo na masarap ngang ipa-abduct, na mamatay na e, jingglish pa rin nang jingglish.

Pagsasantabi sa puna sa mga tauhan, ang tagpuan ng Battalia Royale ang pinaka-astig na ideyang naisip ng grupo. At astig ito, hindi lang dahil sa pagpapa-kyut na marumi, madilim, at rakenrol ang isang lumang high school building. Astig ito dahil ito ang pinakamabigat na aspektong nanganak ng mga bagong dinamiko sa temang “kill or be killed” ng kwento. Sa katunayan, sasabihin ko pa nga na sa sobrang galing ng mga dinamikong ipinanganak nito, na-overshadow na niya mismo ang kwento ng mga tauhan.

Para sa matinong view ng bawat eksenang nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng gusali, kailangan mong tumakbo. Kung gusto mong makita ang patayan, dramahan, o katatawanan, kailangan mong dumiskarte. Kailangan mong makiramdam din sa mga kapwa manonood mo. Kailangan mong paglaruan ang tagpuang pinaglalaruan din ng mga tauhan para pumatay. Hindi sapat na magbayad ka ng tiket, kinakailangan mong maglaro kung gusto mong mapanood kung paano sila magpatayan.

Kung ang problema ng mga piksyunal na karakter ay hanggang saan ang kaya nilang gawin para mabuhay, ang problema mo ay hanggang saan ang kaya mong gawin para lang mapanood ang isang simulasyon ng pagpatay? Sige, hindi naman ganoon ka-urgent at karumaldumal ang problema at solusyon mo kesa sa mga piksyunal na karakter, pero ayon na nga e, piksyonal ang problema nila. Masasabing totoo ang iyo. Gaano ka ba kahayok sa patayan?

Ang karanasan sa pakikipaglaban/pagdiskarte/pagtakbo/pakikipag-away/pakikipagsabwatan ay may mas personal na implikasyon sa pagbunbunyi ng kaharasan na hindi makukuha sa loob ng malamig na sinehan o malambot na sopa, sa kilig sa bawat in-your-face na pagsabog ng kung anumang armas at sa tuwa sa pagsalo ng tumilansik na dugo.

Isa mga rason kung bakit tayo nanonood ng mga palabas, nagbabasa ng mga libro, o naglalaro ng mga video games ay para sa karanasang ibinibigay ng mga kwento–kung saan hindi ikaw ang mapapahamak kundi ng mga piksyunal na karakter lang. Sa Battalia Royale version2, nilevel-up niya ang “tradisyunal” na dulang nagaganap sa “tradisyunal” na entablado at nilevel-up din niya ang pagdanas mo ng kwento. Kung hanap mo ay karanasan ng karahasan kung saan sigurado kang di ka mapapahamak, doble-doble ang ibinigay ng BR.

 

Diyos-diyosan: “You can see them. They can’t see you.”

Parang live-show sa mga nakatagong bar sa eskinita ang BR. Hindi nga lang sex ang sinisilip mo kundi ang nakakapangilabot na suliranin ng mga manlalaro ng kwento. At may kakaibang libog sa pamboboso dahil sa kapangyarihang kakabit ng akto. Ito rin ang kapangyarihan ng manonood ng BR, at mas makapangyarihan pa nga.

Sa BR kasi, key phrase: di ka mapapahamak. Unless, sige, lampa ka. O natisod ka sa lubak sa may hagdan noong pinagmamadali kang tumakbo nung guard. O natulak ka ng mismong aktor para makapag-acting na siya. O pasimpleng sinisiko ka ng mga gustong sumingit sa pwesto mo. O vineverbal abuse ng mga hindi makakita sa eksena sa likod mo (“Sit down, you freak!” sigaw ng kung sino sa audience kung saan napahagikgik ang mga katabi ko at may lone voice na nagsabing “Okaaaay,” somewhere). Pero wala naman kasi ang mga “peligro” na yan kumpara sa mga live-show na mapapanood mo sa mga sulok-sulok ng mga eskinita. Kahit na pagiging “manonood lang” ng erotika ang sinign-up mo, kapag trip ng mga kasama mo sa eskinita, alam mong may posibilidad na ma-holdap ka o magahasa ka. O mapatay. Trip nila e.

Sa BR, manlalaro kang binigyan ng mas angat na katayuan kaysa sa mga manlalaro ng kwento: ligtas ka, free for all ang pamboboso, at maaari mong paglaruan ang buhay ng mga manlalaro ng kwento. Hinihimok ka na pagpustahan kung sino ang matitirang buhay. Hinihimok kang bumoto kung bubuhayin mo o papatayin ang karakter. Binibigyan ka ng kapangyarihan na sumulat ng kapalaran nila. At one-way kapangyarihan ang naririto. “You can see them. They can’t see you.” 

Mga Tala:

1. Sa showdate na pinanood namin, nagulat ako na binoto ng mga manonood na buhayin si Timothy. Pero nainis din ako na pinatay siya agad pagkatapos naming buhayin. Mas mararamdaman sana ang “kapangyarihan” ng manonood kung nakaapekto man lang ang buhay ni Timothy sa ibang mga karakter. O ganoon ba ang gustong palabasin ng grupo? Na pati ang iniisip kong “kapangyarihan” ay non-existent din? Kamatayan lang lagi ang dulot ng “good intentions”?

2. Bago ipalabas ang Battalia Royale version2, nagpakalat ang grupo ng mga FB profiles ng mga estudyante, may kanya-kanyang background at lahat-lahat. Magandang taktika ito para sa ekstensyon ng pamboboso sa mga buhay ng mga karakter at kung sino ang ipupusta mo. Pero tinamad akong tignan ang mga ito dahil nga sa hasel sa tiket. Haha.

 

Special Mention: Kuya Bodjie at Kakai

Ang ikalawang pinaka-astig na ideyang naisip ng grupo ay kunin si Kuya Bodjie (Bodjie Pascua) bilang guro (Fraser Salamon) ng klaseng pwinersang magpatayan. Kung hindi ka pinanganak noong 80’s, si Kuya Bodjie ay ang Kuya ng Bayan mula sa pambatang palabas na Batibot. In short, siya ang mismong epitome ng kabataan ng isang henerasyon ng mga Pilipino.Tuwing nakikita mo siya, gusto mong magpaturo sa kanya at kantahan ka ng “Alin, alin, alin ang naiba?”

Sa BR, siya ang gurong kasabwat sa abduction. Siya rin ang nagpapaliwanag ng mga patakaran sa patayan ng mga estudyante. Siya rin ang nagpapaliwanag sa mga manonood tungkol sa mga pustahan at pagtatanong kung dapat bang patayin ang isang karakter o hindi. Siya ang nagme-mediate sa manonood at mga karakter. Siya lang ang katangi-tanging nakikipag-usap sa parehong manonood at mga karakter.

Bale, ayon nga sa kaibigan ko, siya pa rin naman si Kuya Bodjie. Except nagmumura at pumapatay lang.

Katulad ng marahas na pagpatay sa pagkabata ng mga estudyante, marahas ding pinapatay sa harapan ng isang henerasyon ang lahat ng sinisimbolo ni Kuya Bodjie.

Ang fan favorite naman ng BR ay si Kakai. At hindi ko man trip ang anggulong ginahasa siya noong bata siya kaya siya evil (gusto ko sana na mala-Joker ang magiging mga paliwanag niya kung bakit siya psychopath), keri na rin. Ang hot niya e.

Dalawa ang paborito kong eksenang may kinalaman kay Kakai. Una, nang pina-choose your own adventure na kami ni Kuya Bodjie, nagdisperse agad ang mga manonood at tumakbo sa kanya-kanyang eksena. Papunta kami sa Lighthouse nang may nakasalubong at nagtatanong sa kaibigan ng “Where’s Kakai?”

Pangalawa, sa final battle, ang akala naming patay na si Kakai ay nagbalik. May sumigaw ng “Mabuhay si Kakai!” Sinagot at sinalo naman agad siya ng napakaraming mga manonood ng “Mabuhay!”

Advertisements

2 thoughts on “Killjoy: Battalia Royale version2 (Live-action Game in Cubao)

  1. Salamat sa detalyadong kumento mo ukol sa naging transaksyon ng pagbebenta ng tiket para sa Battalia Royale. Sinisiguro naming ang lahat ng nabanggit na pagkukulang ay naitala at tutugunan ng kumpanya sa mga susunod pa nitong produksyon. Gayunpaman, naunawaan namin at tinatanggap ang iyong kumento. Muli, maraming salamat sa panonood!

    Carlo de Castro
    OIC, PR & Marketing / Ticket Royale
    Sipat Lawin Ensemble, Inc.

  2. Hi Carlo! Maraming salamat sa pagbasa at sa iyong tugon. :) Umaasa pa rin kami na matunghayan ang inyong mga susunod na produksyon, na sigurado akong ipagpapatuloy ang pagsiyasat sa kakaibang espasyo para sa isang mabisang dula. :)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s