Hot Air Balloon 2012

Masyadong maraming pangitain para ma-gets namin na hindi na dapat kami tumuloy sa paglipad ng mga lobo ngayong taon. Una, nagkaroon ng shift sa trabaho ang kaibigan ko sa araw na iyon. Pangalawa,hindi ko naabutang bukas ang TicketNet. At pangatlo, may kadiring foam sa inihain sa’king Coke noong agahan namin sa Burger King (Hi-C lang naman dapat talaga ang gusto kong bilhin, pero akala ko wala sila nito pagkatapos kong tignan ang makina ng sopdrinks nila). Parang natikman ko ang tunay na lason ng Coke–yung syrup na inihalo sa tubig na parang may kaunting bahid ng usok ng tambutso.

Maaga naman kaming nakarating sa pila, hindi tulad noon. Akala ko smooth sailing na mula doon, pero kung smooth sailing, hindi ko na sana sinimulan ng ganito ang sinusulat ko (malamang). Pagkatapos ng mga kalahating oras nang paghihintay, pinaghiwalay ang mga may tiket sa wala. Pabilisan ang kilos ng mga tao lalo na’t ginawang dalawang pila ang mga walang tiket. Mukhang tanga lang, siyempre, katulad ng napakaraming event sa perlas ng silanganan, wala silang pakialam sa pagiging “organized.” At pang-17th Hot Air Balloon Fiesta na nila ‘to. Pinayayaman ng attitude na “okay na ‘to.”

Hindi naman nakagugulat na may sumingit sa pila. Okey lang sana kasi maaga rin naman silang pumila. Ang nakakairita lang ay ang dalawang mokong na ‘to, nagpasingit pa ng walong mga mokong na dumating lang isang oras at kalahati pagkatapos. Dinaan sa chummy-han at kung ano pang pagpapakilala sa isa’t isa ang pagsingit.Sinabi ng isang kaibigan na dapat daw e pinagsabihan namin sila. Hindi ko rin sigurado kung bakit pero may mga oras na hinahayaan mo na lang ang mga kapalmuks na tulad nila. Siguro dahil madaling araw, siguro dahil isang dosena’t higit sila at tatlo lang kami. Ang kombinasyon ng pagka-inip at mga pagmumukha nila ay nagdulot ng pagkainis sa lahat ng ginagawa ng mga naniningit. Ang tanging solusyon ay ang magparinig hanggang makapasok na kami.

Moda ko lang naman, pang-huling araw na iyon ng fiesta, hindi ba dapat all out bongga na? Hindi ba dapat maaga ang pag-set-up ng mga anik-anik para maagang mapapasok ang mga nakapila? At hindi ba dapat, sa simula’t simula pa lang, mayroon ng designated pila sa mga may tiket at wala? Malamang mayroong mga event na mas disorganized dito pero kung ang moda nila ay it’s more fun in the Philippines, ang moda ko ay wag nilang hayaang maipon ang small annoyances na ito. Long story short, anggulo ng pagbebenta ninyo ng tickets (at naabutan ko pa ang lolang kumuha ng senior citizen discount, dapat may hiwalay na mag-aasikaso nito para sa kanila at para sa mga naaantala sa pilang hindi na nga maayos).

Sa totoo lang, akala ko pag nakita ko nang pinapalipad ang mga lobo, mabubura na lahat ng inis ko e. But no. Nariyan ang mga walang ilaw na portalet, na ginawa yata para sa mga kano sa taas ng mga kubeta. Nariyan ang mga kulang sa etiquette na amateur photographer enthusiasts, handang mang-apak at maniko, basta makakuha ng perfect shots nila. Siguro dapat gumawa ako ng facebook fan page–hindi porke may dslr ka, pwede mo na akong apakan at itulak para agawin ang pwesto ko, sige, subukan mo, babasagin ko yang dslr mo.

Mas maganda ang mga lobo kaysa noong huling araw ng nakaraang taon, pero hindi iyon sapat para iligtas ang karanasan. Ang masarap kasi sa panonood ng paglipad ng mga lobo ay ang pakiramdam ng komunidad, ng mainit na ugnayan sa mga taong nanonood, sa mga bagay–kahit artipisyal lang–na parang mas malaki at kamangha-mangha sa amin. Parang gawang-taong mahika. Pero walang kamahi-mahika sa mga taong mas gusto mong sapakin kaysa makipag-ugnayan.

Ang tanging nagligtas sa karanasan ay ang mga kasamang kaibigan. Naroon pa rin ang pagtitibay ng ugnayan dahil pinagsasama kayo ng mga pangyayaring nakakainis at pwedeng pagtawanan. Kaya sa susunod, bumili na lang ng tiket nang mas maaga, huwag sa may bakod pwumesto kung ayaw mauntog ng mga dslr, o pumunta na lang sa ibang lugar na mas masaya magpiktyur-piktyur.

 

Mga tala:

1. Panda Pictures from N.

2. Disgusting: The most disgusting broccoli I’ve ever tasted. Like it was soaked in pesticide. North Park Trinoma isn’t my go-to North Park.

3. The Delayer: We couldn’t leave because of this car. And because the Hot Air Balloon organizers are such nice people, they won’t radio the plate number because “Maraming may problema katulad ng inyo.” How caring!

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s